Angel Locsin, halos Php4M na ang nalikom na pera sa kaniyang fundraising event para makatulong sa 28 na ospital sa Luzon
April 04, 2020
Higit isang linggo na rin ang nakakalipas nang simulan ng actress na si Angel Locsin ang kaniyang fundraiser program na UniTENTweStandPH, kung saan halos nasa Php3.7M na rin ang kanilang nalikom. Ang pera naman na ito ay ipambibili ng mga tents na ibibigay nila sa 28 na ospital sa buong Luzon.
Nagsimula ang crowdfunding program na ito ng actress noong Marso 25 lamang para makapagbigay ng ilang mga tents para sa mga ospital ngayon sa buong Luzon na puno na dahil sa mga pasyente na mayroong COVID-19.
Tinulungan rin naman si Angel ng kaniyang kaibigan at kapwa actress na si Dimples Romana at ang kaniyang fiance na si Neil Arce.
Sa Instagram post ni Dimples noong Marso 30, pinasalamatan niya ang mga netizens na tumulong sa kanila sa pagpalalaki pa ng pondo na kanilang kailangan sa paglalagay ng mga tents sa ilang ospital, sa loob man o labas ng Metro Manila.
Ani Dimples,
“#UniTENTweStandPH as we continue to help one another to provide tents for hospitals to be used by our beloved frontliners and patients, heto po ang tatlong paraan kung Paano ninyo maaring ipaabot ang inyong tulong (here are three ways to send your help).”
Sa mga nais naman magbigay pa ng donasyon para sa fundraiser program na ito ni Angel, sinabi ni Dimples na maaari silang mag-donate sa pamamagitan ng online cash transefer sa PayMaya at PayPal o di kaya ay sa bank account ni Angel sa EastWest Bank. Binanggit rin ni Dimples sa kaniyang post ang 28 na ospital na kanilang tutulungan.
Dagdag ng actress,
“[For] the past 4 days we have reached almost [4 million] pesos.”
Ini-repost naman ni Angel ang post na ito ni Dimples, kung saan sinabi naman ni Angel na kapag natapos na silang maglagay ng mga tents para sa 28 na ospital na nabanggit ni Dimples, sila ay bibili pa ulit ng mga tents gamit ang natitirang pera sa mga nalikom nila.
Samantala, dinepensahan naman ni Neil Arce si Angel mula sa mga netizens na bumabatikos sa actress na nagsasabi na lahat ng ginagawang tulong ng actress ay para lamang makita ito ng mga publiko.
Sinabi naman ni Neil sa mga ito na naniniwala siya na matagumpay si Angel ngayon sa buhay nito dahil sa kabutihan na ginagawa nito sa kaniyang kapwa.
Noong nakaraang taon lamang, kinilala si Angel ng Forbes Asia bilang 'Heroes of Philanthropy' dahil sa pagtulong at pamimigay nito ng donasyon tuwing mayroong problema o krisis na kinakaharap ang ating bansa tulad na lamang ng pangyayari noon sa Marawi at nang sinalanta ng bagyong Yolanda at Ondoy ang ilang parte ng bansa.
Source: Inquirer