Karamihan sa ating mga kababayan ngayon ay lubos na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong bansa dahil nga sa patuloy na pagkalat ng pandemic na COVID-19. Dahil dito, marami rin sa mga Pinoy ang hindi makapagtrabaho at makapaghanapbuhay bunsod nga ng ECQ kaya naman ang ilan ay tanging umaasa na lamang ngayon sa mga food supplies na ipapamahagi ng kanilang local na gobyerno.
Kaya naman sa krisis na kinakaharap ng ating bansa ngayon, kailangan talaga nating magtulungan para malampasan ang pagsubok na kinakaharap natin ngayon.
Kamakailan lamang, naging viral sa social media ang ibinahagi ng netizen na si Jirah Joy Padama tungkol sa kabutihang ginawa ng isang Indian national na ito sa mga taong dumadaan sa kaniyang restaurant.
Kwento ni Jirah, naghahanap lamang daw siya at ng kaniyang kaibigan ng makakain ng mga oras na iyon nang sila ay mapadaan sa Indian food restaurant na 'Star Punjabi Dhabu' na pagmamay-ari ng naturang Indiano. Kaagad naman daw silang inalok ng lalaki na doon na kumain sa kaniyang restaurant dahil pinapamahagi niya ng libre ang mga pagkain na kaniyang tinitinda bilang tulong na rin daw ng lalaki para sa krisis na kinakaharap ng ating bansa ngayon.
Ani Jirah sa kaniyang Facebook post,
"While naglalakad kami para maghanap ng mabibilhan ng ulam.. nadaanan namin itong Indian food restaurant. Then, tinawag kami ng may ari kain daw libre, nagpapakain daw sya ng free dahil sa pandemic situation."
Dagdag pa ni Jirah, kahit pa man daw alam nilang libre ang mga pagkain sa naturang restaurant, inalok pa rin daw nila ng bayad ang lalaki ngunit tinatanggihan lamang nito ang bayad nila Jirah.
Saad ni Jirah,
"Ilang beses kami nag alok na magbayad pero ayaw niya talaga."
Nakakakatuwa lamang isipin na kahit pa man ibang lahi ang Indian national na ito, handa pa rin siyang mamahagi ng tulong para sa mga Pinoy na nangangailangan ngayon sa gitna ng pandemic na kinakaharap ng bansa.
Umani naman ng papuri ang Indian national mula sa mga netizens dahil sa kabutihan na ipinakita nito. Sa ngayon, umabot na sa mahigit na 26,000 reactions at 8,500 shares ang naturang post.
Source: Facebook