Naalala nyo pa ba si Spencer Reyes? Ang dating miyembro ng isa sa pinakasikat na dance group noong '90s na Streetboys na minsan na ding nagpakilig sa mga babae dahil sa angking galing sa pagsasayaw.
Gayunpaman, sa kabila ng kasikatan, mas pinili ni Spencer na iwan muna ang showbiz at mamuhay nang tahimik sa United Kingdom. Ngunit, kamusta na nga ba pamumuhay ngayon ni Spencer sa United Kingdom?
Sa panayam ng radio program na DZRH via Zoom kay Spencer noong Lunes ng gabi, Mayo 11, binunyag ni Spencer na nagtatrabaho siya ngayon bilang isang bus driver sa Soctland.
Taong 2008, pumunta si Spencer sa England upang doon mag-aral ng kursong Nursing. Lumipat naman siya sa Scotland noong 2014 kasama ang kaniyang asawa at tatlong anak. Doon ay nag-aral siya ng mga vocational course katulad ng Plumbing, Electrical Engineering, at Heating.
Matapos nito, napagdesisyunan ni Spencer na sumubok ng bagong trabaho at doon ay nag-apply nga siya bilang bus driver.
Kwento ni Spencer, hindi naging madali ang journey na pinagdaanan niya bago maging ganap na bus driver. Kinailangan niya munang mag-aral ng anim na buwan at ipasa ang exam para sa pagiging bus driver.
"Napakahirap pumasok as bus driver. You need to do some examinations. Kasi, may license dito sa kotse. Pag pumasa ka doon, merong tinatawag nilang Theory and Hazard.
"Pag pumasa ka doon, magsi-celebrate ka talaga. Kasi, aaral ka talaga ng makapal na libro. Then, nagka-idea ako… nagpasa ako as bus driver, hindi agad ako kinuha. Kailangan, kumuha ako ng another license for bus. I need to study again for almost six months, review again."
Pagpapatuloy niya,
"Kailangang maipasa mo yung Hazard and Theory, tapos another… almost 10 na online tests na mapasa mo yun. Pag hindi mo mapasa isa doon, hindi ka magiging bus driver dito. Saka dapat okay ang memory."
Halos dalawang taon nang nagtatrabaho si Spencer bilang bus driver sa Scotland kung saan ang minamaneho pa niya ay ga tour bus. Dahil na din dito, nakabisado na ni Spencer ang kabuuan ng Scotland.
Kahit pa man naka-lockdown sa Scotland ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng C0VID-I9 sa kanilang lugar, patuloy pa din ang trabaho at pagbibigay ni Spencer ng serbisyo.
Ani Spencer isa siya sa mga driver na naghahatid ngayon ng mga frontliners. Ngunit, ligtas pa din naman ang kaniyang trabaho dahil siya ay nakasuot ng PPE at maging mask na din. Araw-araw ding sina-sanitize ng kanilang kumpanya ang bawat bus na kanilang ginagamit.
“Essential ako dito, e... nagda-drive ako ng bus. Kailangan kong magdala ng mga nurse sa hospital, e. Ako yung naghahatid ng mga nurse na nagtatrabaho sa hospital. Naka-mask, naka-PPE, makapal yung glasses ko… everytime na sumasakay ako. Kasi, yung bus namin, merong wall na glass, which is safe. Every ano… sina-sanitize yun, e... pati mga... lahat, hawakan.”
Inamin ni Spencer na may pagkakataon na namimiss na niya ang showbiz, lalo na ang pagsasayaw. Minsan nga daw ay mayroong mga Pinoy community ang nag-iimbita sa kaniya kasama pa ang kapwa Streetboys member na si Michael Sesmundo na kasalukuyan ding naninirahan sa Scotland ngayon. Ito ay dahil ang napangasawa ni Michael ay kapatid naman ng asawa ni Spencer.
“Parehas kaming natuhog, kaya nandito kami lahat. Happy family talaga, kasi at least, kasama ko isang taga-Streetboys din.”
Si Spencer ngayon ay mayroon ng YouTube channel na Sphencer Reyes, kung saan madalas siyang nagu-upload ng kaniyang mga dance cover.
Ibinahagi din ni Spencer sa kaniyang panayam na nananatili pa din ang pag-uusap nila ng dating ka-love team na si Ice Seguerra. Inalala muli ni Spencer na madalas siyang sinusuntok at sinasakap ni Ice sa tuwing nilalambing niya ito noon.
“Habang nilalambing ko siya nun, lagi niya akong sinusuntok, sinisikmuraan.Pero tinitiis ko lang. Sabi ko, sige na, e, love team lang naman. Talagang sisikuhin ako niyan, sinusuntok niya ako. Kasi, lagi ko ‘yan hinahalikan sa pisngi, e."
Kwento ni Spencer, may pagkakataon noon na nagustuhan niya si Ice, ngunit mas pinili niyang huwag nang palalimin pa ang nararamdaman dito dahil alam niya kung ano ang preferred gender nito. Isa din ito sa rason kung bakit mas pinili ni Spencer na panatilihin na lamang ang pagkakaibigan nilang dalawa.